Sa aking obserbasyong isinagawa sa klase, napansin ko ang paggamit ng wika ng guro sa pagtuturo. May mga pagkakataon na gumamit siya ng Taglish, samantalang sa ibang oras naman ay purong Tagalog ang ginamit. Agad kong nakita ang pagkakaiba sa epekto ng dalawang paraan ng pagtuturo sa mga mag-aaral.
Sa mga oras na gumagamit ng Taglish ang guro, tila mas madali at mabilis ang daloy ng usapan. Mas nakakasabay ang mga mag-aaral at nagiging mas aktibo sila sa pakikilahok sa talakayan. Halimbawa na lamang, kapag nagtatanong ang guro sa wikang Taglish, mabilis ang tugon ng mga estudyante dahil ang Taglish ay malapit sa kanilang pang-araw-araw na wika. Sa kabilang banda, nang gumamit ng purong Tagalog ang guro, napansin kong mas pormal at seryoso ang naging tono ng klase. Bagamat mas matagal bago makasagot ang ilang estudyante, naging mas maayos at malinaw ang kanilang mga sagot. Dito ko napansin na ang paggamit ng purong Tagalog ay tila nagiging mas epektibo sa pagpapalalim ng pag-unawa ng mga mag-aaral sa mga konsepto o aaralin.
Sa aking obserbasyon, mahalaga ang tamang paggamit ng wika sa pagtuturo ng makrong kasanayan. Ang Taglish ay maaaring maging epektibo sa pagpapadali ng komunikasyon at pagpapasigla ng talakayan, ngunit ang purong Tagalog naman ay mas angkop sa mas malalim na pagtalakay ng mga aralin. Dahil dito, iminumungkahi kong balansehin ng mga guro ang paggamit ng dalawang wika depende sa layunin ng kanilang pagtuturo.
No comments:
Post a Comment