Friday, 29 November 2024

Pamana ng Nakaraan: Ang Paglalakbay ni Lira

       Sa ilalim ng nag-aapoy na liwanag ng haring araw, naglalakad si Lira sa makitid na daan ng kanilang baryo sa Mindoro. Hawak niya ang isang basket ng bagong ani mula sa palayan—simbolo ng isang pangako na muling ipapasa sa susunod na henerasyon.

       "Sumama ka sa akin, Lira. Ipapakita ko sa’yo ang mundo ng ating mga ninuno," wika ng kanyang Lola Bining, habang sila’y papasok sa kagubatan.

        Sa paglalakad, inilarawan ni Lola Bining ang kwento ng harana at ang halaga nito sa panliligaw noong panahon nila. Sa harap ng punong balete, nagkwento siya tungkol sa paggalang ng mga Pilipino sa kalikasan—ang pag-alay ng pagkain sa mga diwata upang humiling ng magandang ani.

         "Ang kultura natin ay hindi lamang nakikita sa libro, apo," dagdag niya. "Ito’y nararamdaman, nabubuhay sa bawat salinlahi. Tulad ng bayanihan, kung saan magtutulungan ang lahat sa paglipat ng bahay na hindi lamang ito gawa, ito’y damdamin ng pagiging magkakapitbahay."

          Habang papalapit ang dilim, narating nila ang baryo kung saan may nagaganap na pista. Masiglang mga tao, makukulay na banderitas, at masasarap na pagkain ang bumungad kay Lira. Sa gitna ng saya, nakita niya ang mga kabataang nagtatanghal ng pandanggo sa ilaw habang pinapalakpakan ng mga matatanda.

        Habang pinagmamasdan ni Lira ang eksena, tumagos sa puso niya ang sinabi ni Lola: "Ang kultura ay hindi lamang pagtingin sa nakaraan; ito rin ang pagtatanim ng mga tradisyong ito para sa kinabukasan. Ikaw ang magsasabi sa susunod na henerasyon: 'Sumama ka sa aking biyahe.’"

       Naramdaman ni Lira ang bigat at ganda ng kanilang kultura. Sa araw na iyon, ipinangako niya sa sarili na hindi niya hahayaang maglaho ang mga tradisyon ng kanilang lahi.



Wednesday, 20 November 2024

Malusog na Katawan, Masayang Buhay

Paksa: Pag papanatili na maging malakas ang katawan


Sa tamang pagkain, simulan ang hakbang,

Prutas at gulay ang siyang pagsaluhan,

Malinis na tubig ang siyang inumin,

Dahil biyaya ang buhay, kalusugan ay alagaan.


Ehersisyo’y gawin, sa araw-araw,

Nang puso't katawa'y lumakas ng tunay,

Huwag tamarin sa kilos ng buhay,

Dahil sigla't kalakasan ,ang gantimpalang taglay.


Tulog na sapat ay ating tuparin,

Pahinga’y sandigan ng lakas na atin,

Iwasan ang bisyo’t masasamang gawain,

Upang malusog na buhay ay makamit natin.


Disiplina sa sarili ang laging sandigan,

Kalusugan at sigla ang ating kayamanan,

Dasal sa Diyos ay huwag kaligtaan,

Sa malusog na katawan, tagumpay ay tangan.

Tuesday, 19 November 2024

DULOT NG KAPANGYARIHAN

 

Sa mundong puno ng kasakiman,

Hindi mawari kung ano ang katotohanan.

Mga taong nag-uunahan sa kapangyarihan,

Mga taong nag-aagawang mamuno sa pamahalaan.


Sa politika’t kapangyarihan,

Nagaganap ang hidwaan, alitan.

Naglalaho ang pag-asa ng bayan,

Dulot ng kasakiman ng iilan.


Mga lider na puno ng gahaman,

Kanilang kapangyarihan ay abuso.

Pamayanan natin ay nagsusumamo,

Sa makatarungan, ito’y kailangan.


Kaya’t tayo’y magtutulungan,

Alisin ang masamang dulot ng kapangyarihan.

Sa pamayanan at politika’y magbago,

Upang maging mas makatarungan ang daan.


Sa tamang pangangasiwa, mabubura ang kahirapan,

Sa pamayanan natin, magkakaroon ng pag-asa’t kaligayahan.

Kapangyarihan sa politika, hindi para sa sariling kapakinabangan,

Kundi para sa bayan, upang umusbong ang kanyang kagandahan.



Monday, 18 November 2024

Piniling Maging Sigurado, Pinipilit, Siguro


Papapalapit sa pinto,

Hindi alam kung tutuloy.

Dideretso ba o hihinto?

Hindi na alam ang sigurado.


Teka, tayo nga ba'y naging sigurado?

Mas mabuting sabihin natin na lahat ng iyon ay siguro.

Siguro, hindi talaga natin pinili ang bumalik.

Siguro, hindi talaga natin ginusto ang matamis na yakap at halik.

Siguro, nadala lang tayo sa paulit-ulit na pangungulit.

Siguro, mas mabuti na sabihing pinilit kaysa pinili.


Pinilit buuin ang isa’t isa kahit na hindi tugma.

Pinilit na kumanta sa tonong hindi naman akma.

Pinilit isulat ang istoryang hindi isa’t isa ang paksa.

Pinilit piliin ang taong hindi sa’yo nakatadhana.


Ngayon, kung muli man na magtagpo,

Siguradong ako'y tuluyang nakalabas na sa pinto.

Puso mo naman ay tuluyan ng nakakamdado.

Iwan na ang nakaraan, paalam sa naging pag-ibig na walang kasiguraduhan.



Saturday, 16 November 2024

BUOD NG ANG DUGO NI JUAN LAZARO ni Rogelio Ordoñez

   Si Mando ay isang manggagawa sa isang pabrika ng tela. Habang nagtatrabaho, naririnig niya ang mga tunog ng makina at ramdam niya ang mainit na kapaligiran at ang hindi mapalagay na damdamin ng kanyang mga kasamahan na nagpaplano ng isang welga. May sama ng loob ang mga manggagawa dahil sa hindi makatarungang kalagayan sa trabaho katulad ng mababang sahod, at hindi makataong oras ng paggawa.

     Nagsimula ang pagwewelga at napagdesisyon ni Mando na hindi siya sasama sa welga dahil kailangan niyang magtrabaho para sa kanyang pamilya. Sinubukan siyang pilitin ni Kadyo, ang lider ng mga manggagawa, ngunit tumanggi si Mando. Alam niyang may katwiran ang mga manggagawa sa pag-aaklas, ngunit mas pinili niyang isipin ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Dahil sa desisyon niyang magpatuloy sa trabaho, pinagkalooban siya ng tagapamahala ng pabrika ng dagdag sa sahod upang mapunan ang kakulangan dulot ng welga.

      Nang matapos ang oras ng trabaho, lumabas si Mando ng pabrika at hinarap ang mga nag-aaklas na kasamahan. Hinarap siya ni Kadyo na galit na galit dahil sa hindi pagsama sa kanila. Dahil dito, pinagtulungan siyang saktan ng kanyang mga kasamahan bilang parusa sa kanyang naging desisyon na hindi makiisa sa welga.



Wednesday, 13 November 2024

LENI ROBREDO ISANG INSPIRASYON SA SERBISYO PUBLIKO


 
     Marami man ang bumabatikos si Leni ay patuloy na naglilingkod. 
Si Maria Leonor "Leni" Gerona Robredo, o mas kilala bilang Leni Robredo, ay isang prominenteng politiko at lider sa Pilipinas. Ipinanganak siya noong Abril 23, 1965, sa Naga City, Camarines Sur. Kilala siya sa pagiging boses ng mga hindi naririnig at sa kanyang malasakit sa mga mahihirap at marginalized na sektor ng lipunan. 

          Si Leni Robredo ay unang nakilala sa publiko nang maging Bise Presidente ng Pilipinas mula 2016 hanggang 2022. Bago pa man siya pumasok sa politika, si Leni ay isang abogado at nagtrabaho sa sektor ng civil society. Nagtapos siya ng abogasya mula sa University of the Philippines College of Law at nakapagtrabaho sa mga programang nakatutok sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga kababaihan, mga bata, at mga mahihirap. 

     Bilang Bise Presidente, ipinakita ni Leni Robredo ang kanyang dedikasyon sa paglilingkod sa bayan. Isa sa mga pinakanakamalayang proyekto na kanyang pinangunahan ay ang Angat Buhay program, ang pinakamalaking non-government organization na tumutok sa pagtulong sa mga lokal na komunidad. Sa ilalim ng programang ito, nagsagawa siya ng mga inisyatiba para sa mga kababaihan, kabataan, at mga sektor na hindi gaanong nabibigyan ng pansin.

         Bilang Bise Presidente, pinangunahan ni Leni ang ilang proyekto na tumutok sa edukasyon, kalusugan, at kabuhayan, tulad ng Biyayang Pag-asa at Free Wi-Fi for All na nakatulong sa mga mahihirap na komunidad, lalo na sa panahon ng pandemya. Pinuri siya sa kanyang pagpapakita ng malasakit sa mga naapektuhan ng kalamidad at sa pagbibigay ng tulong sa mga pook na hindi naaabot ng iba pang ahensya ng gobyerno. 

       Bago pa siya pumasok sa gobyerno, si Leni Robredo ay naging bahagi ng mga non-government organizations tulad ng Rural Development Foundation at Philippine Business for Social Progress. Ang kanyang mga hakbang at proyekto ay laging nakatutok sa mga marginalized na sektor, lalo na ang mga kababaihan at mga komunidad sa kanayunan. 

       Isa sa kanyang pinakamahalagang tagumpay ay ang pagtulong sa mga maliliit na negosyante at mga kooperatiba upang mapabuti ang kanilang kabuhayan. Sa mga organisasyong ito, napatunayan niya ang kanyang kakayahan sa pagpapalago ng mga proyekto na nakikinabang ang buong komunidad.

        Si Leni Robredo ay hindi lamang isang politiko kundi isang simbolo ng may malasakit at dedikasyon sa pagtulong sa mga kababayan. Sa kanyang mga ginawa at patuloy na ginagampanan, itinuturing siyang inspirasyon ng bawat Pilipino na nagsusumikap para sa mas makatarungan at mas maunlad na lipunan. Ang kanyang buhay at serbisyo ay nagpapakita na ang tunay na lider ay hindi lamang nakaupo sa mataas na posisyon kundi may malasakit at ginagampanan ang kanyang tungkulin nang tapat at buong puso.


Tuesday, 12 November 2024

NASA GAWA, HINDI SA SALITA


 

PAGKAKAIBA AT PAGKAKAPAREHO NG MAIKLING KWENTO, TULA, NOBELA PAGDATING SA FORMAT NG PAGSUSURI

 


SERBISYO NI LENI ROBREDO, SA BAHA'Y TODO

 


Sa kabila ng mga pambabatikos na natatanggap, patuloy na pinatunayan ni dating Bise Presidente Leni Robredo ang kanyang dedikasyon sa paglilingkod sa mga nasalanta ng bagyong Kristine. Sinuong niya ang baha sa Naga City, Camarines Sur upang personal na maghatid ng tulong sa mga apektadong residente. 


Isa ang Camarines Sur sa mga probinsyang lubhang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Kristine noong Oktubre 29, 2024. Maraming kabahayan ang nawasak, at marami ang napilitang lumikas. Sa pamamagitan ng Angat Buhay Foundation at sa pakikipagtulungan ng Kaya Natin! Movement for Good Governance and Ethical Leadership, si Atty. Leni at ang kanyang mga volunteers ay nagbigay ng malinis na tubig at relief goods sa mga nasalanta. Ang mga larawang kuha ni Egine Oquindo Baral, na ibinahagi ng Kaya Natin! sa Facebook, ay nagpapakita ng kanilang matinding determinasyon sa kabila ng maputik at mataas na baha. 


Ang pagkakaisa ng Angat Buhay Foundation at Kaya Natin! ay nagsilbing inspirasyon sa komunidad na magpatuloy sa pagbangon mula sa pinsalang dulot ng bagyo. Patuloy na nagsasagawa ng iba't ibang relief operations si Robredo upang masiguro ang pangmatagalang suporta sa mga komunidad na nangangailangan. Ang kanyang walang sawang pagtulong ay patunay ng tunay na malasakit at dedikasyon sa kapakanan ng kanyang mga kababayan.

Friday, 8 November 2024

MALING AKALA

Sa laging pagdaan ni Mia sa parke tuwing umaga, napapansin niyang palagi siyang tinititigan ng isang lalaki sa ilalim ng puno. Minsan pa nga ay ngumiti siya rito, nagbabakasakaling makakuha ng sagot sa kanyang kutob, baka gusto rin siya ng lalaki.


Isang araw, nagpasya siyang lapitan ito. Kinakabahan siyang nagpakilala, ngunit napansin niyang hindi ito tumugon sa kanyang mga galaw. Nagsalita siya nang mas malinaw, at sa wakas, nagsalita rin ang lalaki, ngumiti at sinabing, "Pasensya ka na, hindi ko makita ang itsura mo, bulag ako mula pagkabata."


Biglang humapdi ang mukha ni Mia sa hiya. Lahat ng inakala niya'y nawala dahil maling akala. 

SOCIAL MEDIA STAR, BAGONG MUKHA SA POLITIKA?

SINTESIS

Sa nalalapit na halalan sa 2025, nagiging usap-usapan ang pagpasok ng mga social media influencers o content creators sa politika, tulad nina Deo Balbuena (aka Diwata) bilang fourth nominee ng Vendors partylist at Rosemarie Bulaklakin (aka Rosmar Tan) bilang konsehal sa Maynila. Ayon sa mga analyst, bahagi ito ng natural na paglawak ng media influence, ngunit may pangamba rin na baka mas maging pokus ng mga social media star ang pagpaparami ng followers kaysa sa pagsisilbi sa bayan. Pinapaalalahanan ni Prof. Erwin Alampay ang mga botante na tingnan ang tunay na intensyon at dedikasyon ng mga kandidato, hindi lamang ang kanilang kasikatan online. Samantala, binibigyang-diin ng grupong Kontra Daya ang kahalagahan ng transparency ng mga kandidato ukol sa kanilang mga plataporma, mga tagasuporta, at kaalyado.


Sa isasagawang halalan mas makabubuti kung ang mga tatakbo sa politika ay yaong may malawak na kaalaman sa batas at karanasan sa pamamahala. Ang politika ay nangangailangan ng seryosong pag-intindi sa mga proseso ng gobyerno at responsibilidad na masugid na paglingkuran ang mga mamamayan. Ang popularidad sa social media ay maaaring makatulong sa kampanya, ngunit hindi ito sapat na batayan para sa pagiging epektibong lider. Mahalaga rin ang kaalaman sa pagsusuri ng mga isyu at paggawa ng desisyon, na hindi madaling makuha kung wala ang tamang pagsasanay at pag-unawa sa batas. 

PAGHAHAMBING

Ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" (KMJS) at "Rated K" ay mga programang nakatuon sa kwentong may kinalaman sa tao at emosyonal na balita, madalas na nagpapakita ng mga personal na karanasan at kakaibang kwento ng mga tao. Gumagamit sila ng mga biswal na elemento at pagsasalaysay upang makuha ang damdamin ng mga manonood.

Sa kabilang banda, ang "TV Patrol" at "24 Oras ay mga pangunahing balita na nagbibigay ng mga pinakabagong impormasyon, mga ulat sa politika, at mga pangyayaring pandaigdig. Ang mga programang ito ay mas pormal at nakatuon sa pagbibigay ng impormasyon, gamit ang mga ulat at graphic na nagpapakita ng mga estadistika.

Bagamat lahat ng mga programang ito ay nagbibigay halaga sa mga kwento ng komunidad, ang KMJS at Rated K ay mas nakatuon sa mga tao at kanilang kwento, samantalang ang TV Patrol at 24 Oras ay nakatuon sa mas malawak na konteksto ng balita. Sa kabuuan, nag-aalok ang KMJS at Rated K ng mas personal at emosyonal na balita, habang ang TV Patrol at 24 Oras ay nagbibigay ng mas pormal at nakatuon sa pagbibigay ng impormasyon na pagbabalita.

ILABAN MO ANG EDUKASYON

Ang akdang ito ay nais magbigay ng inspirasyon at impormasyon na nawa'y makatulong upang gisingin ang inyong diwa at isipan na ilaban ang edukasyon. Ang aking mga sasabihin ay hindi naman ganun kahaba, ngunit kahit ito'y maikli, Ito ay malaman na tatatak sa inyong isipan.

Ang aking talumpati ay pinamagatan kong "llaban mo ang Edukasyon"

EDUKASYON, Ano nga ba ang ideyang pumpasok sa ating isipan kapag naririnig natin ang salitang edukasyon. Hindi ba't naiisip natin na ito ay susi at daan sa magandang trabaho, magandang bahay, magagarang sasakyan, maraming pera at higit sa lahat susi para sa magandang buhay na nais natin para sa hinaharap.


Edukasyon, alam nating hindi ito madali, ngunit alam din naman natin na walang namang madali Walang madaling kurso, walang madaling daan patungo sa hinaharap. Normal lamang na mahirapan, umiyak, malito, masaktan at matakot, ngunit ang mahalaga ay tumuloy tayo sa hamon ng pag-aaral. Sa edukasyon dito natuto tayo at patuloy na matututo pa dahil sa bawat araw may bagong aral na ating dadalhin hindi lang sa ating isipan kundi pati sa ating puso't kaluluwa.


Sa edukasyon mas naging bukas ang ating isipan, namulat tayo sa mundo, namulat tayo sa pinagdadaanan ng maraming tao at namulat tayo sa bawat hamon sa buhay, ngunit dahil dito mas naging matatagtag tayo. Edukasyon ang isa sa ating naging kahinaan ngunit ito din ang ating sandata na ating panghahawakan na makapagbibigay ng saya hindi lamang satin kundi pati sa mga taong nagmamahal sa atin


Kung susukuan mo ang edukasyon, para muna ring binitawan ang pangarap mong magandang buhay. Katulad ng sinabi ko kanina ang edukasyon ang isa sa susi sa magandang buhay. Isa sa susi dahil hindi ko rin naman sinasabing ito lamang ang susi mo para sa magandang hinaharap, ngunit sa ngayon mas pillin mo ang mag-aral dahil iba ang modemong panahon sa panahon noon


Ayus lang makaramdam ng pagod ayus lang umiyak, ayus lang magpahinga pero pagkatapos mong magpahinga ituloy mo ng laban. Lagpasan mo ang bawat hamon sa iyong pag-aaral, dahil sinisigurado ko sayo pag nasungkit mo ng tagumpay, Masasabi mo sa sanii mong nakaya ko nalagpasan ko, nagtagumpay ako at ito na ang magandang resulta ng pinaghirapan ko, maraming salamat sa edukasyon.

ANG TAHIMIK NA PAKIKIPAGKWENTUHAN

Isang hapon, naupo si Marco sa isang bangko sa parke at may napansin siyang isang babaeng nakaupo malapit sa kanya. Agad niya itong nginitian at sinimulan ang kwento ng kanyang buhay katulad ng trabaho niya, ang mga pangarap niya, at ang mga alaala ng kabataan niya.


Habang siya’y nagsasalita, patuloy lang ang babae sa pagtango at pagngiti, na para bang lubos siyang nauunawaan. Naengganyo tuloy si Marco na ikuwento pa ang tungkol sa kanyang mga plano at problema, sa pag-aakalang nakatagpo siya ng isang matiyagang tagapakinig.


Matapos ang halos isang oras ng pagbabahagi, biglang tumayo ang babae at kumaway kay Marco. Kumaway naman si Marco pabalik at sinabi, "Salamat sa pakikinig! Ang sarap ng may nakakaintindi."


Ngunit sa kanyang pagtalikod, may napansin siyang maliit na papel na nahulog mula sa bulsa ng babae. Dinampot ito ni Marco at binasa. Nakasaad doon "Pasensya na, ako’y bingi. Hindi ko marinig ang iyong sinasabi pero sana naging sapat ang aking ngiti."


Napangiti si Marco. Sa kabila ng lahat, ang simpleng pakiramdam na siya ay may nakinig, kahit pala hindi tunay, ay sapat na para maibsan ang kanyang nararamdaman. 

PAG-ALALA SA MAHAL SA BUHAY (UNDAS 2024)

Pagkagising ko sa umaga ay naabutan ko na kaagad na nagluluto ang aking mga tita at si mama ng iba't ibang putahe na dadalhin namin sa sementeryo kung saan ito nga ay sa Greenpark Semetary. 

Ngayon ay araw ng undas at katulad nga ng nakagawian ng aming pamilya ay dadalawin namin ang aming lolo at ang iba pang kamag-anak namin na namatay. Kung saan overnight din ang aming isasagawang pagdalaw, dahil sa ito din ang nakagawian ng aming pamilya. 

Papunta sa sementeryo ay marami akong nakikita sa daan na may bitbit na mga bulaklak na marahil ay dadalhin sa kanila ding mahal sa buhay sa sementeryo. 

Mayroon ding mga nakatigil na motor sa kadahilanang may LTO , at sa tingin ko ay hindi sila makakadaan doon kaya sila ay bumabalik na lamang sa kanilang pinanggalingan.

Hanggang sa makarating kami sa sementeryo at naabutan namin na naroroon at nabisita rin ang aming ibang kamag-anak. Naghain kami ng pagkain at nagsalo-salo ng iba"t ibang putahe. Pagkatapos ay nagkwentuhan at naglaro kami ng aking mga pinsan. 

Kinagabihan ay naisip namin na maglakad-lakad at tunay ngang kayganda ng mga ilaw sa gabi na galing sa iba't ibang pamilya na hanggang hating gabi ay nanatili sa puntod ng kanilang mahal sa buhay. 

Sa paglibot-libot ng aking paningin sa iba't ibang puntod at sa mga tao ay masasabi kong tunay na nanatili pa rin ang pagmamahal natin sa mga taong kasama na ng panginoon dahil sa paglipas ng panahon nawala sila sa atin ngunit nanatili sila sa ating ala-ala, puso at isipan.

MALAYA NG LUMISAN

Mahirap na palayain ka

Ngunit wala akong magawa

Kundi pagmasdan ka palayo, palayo na sa ating tagpo


Mahirap na muling maiwan Maiwan ng taong minahal 

Na inasam sa habang buhay 

Kaya pakiramdam ay lumbay


Para akong nalantang gulay 

Dahil tila wala ng tulay 

Na dudugtong sakin at sayo 

Dahil ako'y nilisan mo na


Galit ay di ko naramdaman,

Ngunit takot at sakit naman 

Sa aking puso'y namayani

Na tumagos sa aking dibdib


Paalam ang katumbas nito 

Mahal kong Ina ko, paalam 

Ika'y aking papalayain

At titingalain sa langit

PAGSISIKAP SA GITNA NG HIRAP

Sa bawat hakbang, daan ay matarik, 

Mga balakid, tila kay tarik. 

Ngunit ako ay patuloy, hindi sumusuko, 

Dahil ang pangarap, lagi kong kasuyo. 


Sa kabila ng pagod at pagluha, 

Sa gabing tahimik, puso'y nagdurusa. 

Kahit gaano kahirap ang daan, 

Babangon muli, magpapatuloy lamang. 


Ang tagumpay ay bunga ng tiyaga, 

Bawat pagkatalo, aking lakas ay nadaragdagan pa. 

Kaya’t sa hirap, hindi magpapatinag, 

Ang puso’t sipag, aking magiging sandigan at tiyak.


Sa liwanag ng araw o dilim ng gabi, 

Patuloy na aabutin ang mithing nasabi. 

Ang bawat sugat, tanda ng lakas, 

Sa laban ng buhay, tagumpay ay wagkas.


Kahit minsan, daan ay tila walang hanggan, 

Patuloy na lalaban sa bawat pinagdaraanan. 

Dahil sa dulo ng bawat pagsubok at sakit, 

Pangarap ay makakamtan, ang wakas ay sasapit.

INIIBIG KONG PILIPINAS

Sa silong ng bughaw at mapulang watawat,  

Lupang sinilangan, sa iyo'y tapat.  

Bawat alon ng dagat, bawat bundok at gubat,  

Sa puso ko’y ikaw, bayan kong liyag.  


Mga bayani’t mandirigma, sa ‘yo’y naghandog,  

Ng buhay at dangal, sa hirap ay lumusong.  

Aking sinumpaan na ika’y ipagtatanggol,  

Sa bawat pagsubok, sa bawat hamon.  


Mula Luzon hanggang Mindanao, ating mahalin,  

Sama-samang abutin ang ating mithiin.  

Ang kultura’t kasaysayan, sa dugo ko’y nakatanim,  

Pilipinas kong mahal, ikaw ay aalagaan namin.  


Sa paglipas ng panahon, pangako ko’y buo,  

Sa bayan kong ito, pagmamahal ay totoo.  

Dahil Pilipinas, sa puso ko’t diwa,  

Habambuhay na sayo’y maglilingkod nang kusa.

SINING NG PANLILIGAW

Sa bawat tingin, puso’y nanginginig,  

Sa bawat ngiti mo, ako’y nahuhumaling.  

Tahimik na dasal, sana’y marinig,  

Na ang pag-ibig ko'y iyong dinggin.  


Mga lihim na liham, sa iyo’y alay,  

Nagbabakasakaling puso’y magtagumpay.  

Pagkat bawat salita, bawat patunay,  

Ay pag-asang ako’y iyong mamahalin din tunay.  


Sa pag-aalalang sa ‘yo’y makalapit,  

Pawis sa noo, lakas ng dibdib.  

Sa munting ngiti mong aking nasilip,  

Para na akong hinipan ng hangin, kay sarap makalapit.  


Hanggang kailan kaya itong paghihintay?  

Ang tadhana kaya’y nasa aking kamay?  

Ngunit sa bawat saglit na ikaw ay kaulayaw,  

Walang hanggan ang pangarap, ang ligaya'y tunay. 

WALANG HANGGANG GABAY AT PAGMAMAHAL

Sa bawat hamon at pagsubok na kinakaharap ng isang tao, ang pagmamahal ng magulang ang isa sa pinakamatibay na sandigan. Sila ang unang nag-aruga, umunawa, at nagbigay ng gabay sa atin simula sa ating pagkabata. Marahil hindi natin lubos na nauunawaan ang kanilang mga sakripisyo, ngunit ang kanilang pagmamahal ay nananatiling matatag at walang kondisyon.

Habang tayo ay lumalaki, nagiging mas mapanuri tayo sa ating mga magulang. Sa murang edad, madalas na hindi natin napapansin ang kanilang mga hirap at pagod para lamang mabigyan tayo ng magandang kinabukasan. Minsan, sa kanilang pagiging mahigpit o sa kanilang mga payo, napagkakamalan nating panghihimasok ito sa ating mga desisyon. Ngunit kung titingnan ng mas malalim, ang kanilang mga gabay at payo ay mula sa pagnanais na ilayo tayo sa kapahamakan at matulungan tayong makamit ang ating mga pangarap. Sa mga oras ng pangangailangan, sila ang unang tumutulong at nagiging sandigan, kahit na may sariling mga problema rin silang dinadala.

Sa paglipas ng panahon, unti-unti nating natutunan at nauunawaan ang tunay na halaga ng pagmamahal ng ating mga magulang. Ang kanilang sakripisyo at walang pagod na pagmamahal ay ang naging puhunan upang tayo ay maging maayos ang kinabukasan. Kaya't sa simpleng paraan, mahalaga ang pagpapakita ng ating pagmamahal at pasasalamat sa kanila, hindi lamang sa salita kundi sa gawa. Mahalaga ang bawat oras na kasama natin sila at ang pagpapahalaga sa kanilang mga ginawa para sa atin. Sa ganitong paraan, naipapakita natin ang tunay na paggalang at pagmamahal sa kanila na nararapat nilang makamtan.

ANG DIWA NG PAGSASAMA-SAMA

Tuwing dumarating ang kapaskuhan, isa sa pinakahihintay na bahagi nito ay ang pagsasama-sama ng pamilya. Sa gitna ng mga palamuti, ilaw, at masasarap na pagkain, ang tunay na halaga ng Pasko ay makikita sa piling ng mga mahal natin sa buhay. Ang pagdiriwang na ito ay hindi lamang para sa mga regalo o kasiyahan, kundi para rin sa pagbibigayan, pagmamahalan, at pagtutulungan.

Sa maraming pamilyang Pilipino, ang Pasko ang nagiging pagkakataon upang magsama-sama muli, lalo na’t maraming miyembro ang nagtatrabaho o naninirahan sa ibang lugar, malayo sa kanilang mga mahal sa buhay. Ito ang oras na ang mga miyembro ng pamilya ay bumabalik sa kanilang tahanan upang muling magkasama-sama at magpalitan ng mga kuwento. Ang bawat halakhak, bawat yakap, at bawat salu-salo ay nagbibigay ng kasiyahan at kapayapaan sa bawat isa.

Sa kabila ng simpleng handa o magarbo mang pagdiriwang, ang diwa ng Pasko ay hindi nawawala dahil sa presensiya ng bawat miyembro ng pamilya. Ang bawat sandali ng pagkakasama ay nagsisilbing pag-alala sa mga sakripisyo at pagmamahalan ng bawat isa. Kahit hindi perpekto ang bawat pamilya at may mga hindi pagkakaunawaan, sa pagdating ng Pasko, nagiging mas bukas ang bawat isa sa pagpapatawad at pagbibigay ng oras para sa isa’t isa.

Ang Pasko ay nagiging makahulugan dahil sa pagsasama-sama ng pamilya. Ito ang nagpapaalala sa atin na kahit sa gitna ng mga pagsubok at sakripisyo sa buhay, mayroong tahanan at mga mahal sa buhay na handang sumuporta at magpatawad. Sa bawat Paskong dumadaan, nawa’y patuloy nating maipagdiwang ang tunay na diwa ng pagsasama-sama at pagmamahalan, hindi lamang sa panahon ng kapaskuhan kundi sa bawat araw ng ating buhay.

BUHAY SA LANSANGAN


Sa bawat kanto, sa bawat mata,  

Buhay sa lansangan ay punong-puno ng luhang tapat.  

Mga batang naglalaro, alingawngaw ng tawanan,  

Ngunit sa likod ng saya, may lungkot na kaakibat.  


Sa ilalim ng araw, mga katawan ay pagod,  

Hinahanap ang makakain, hangang sa maghapon.  

Ang mga mata, puno ng pangarap na malabo,  

Pero sa lansangan, wala silang takas sa hirap na matindi’t mabigat.  


Sa dilim ng gabi, walang kapwa’t kaagapay,  

Ang hangarin lang, mapuno ang tiyan kahit saglit.  

Minsan ang buhay ay parang isang laro ng tadhana,  

Pag-asa’y parang alitaptap, naglalaho at muling sisikò.  


Ngunit sa bawat pagsubok, hindi sumusuko,  

Ang lansangan ay tahanan ng mga pusong buo.  

Sa gitna ng lahat ng pagsubok na dumaan,  

Ang tapang at pag-asa’y patuloy na magsisilbing ilaw ng bawat laban.